Mga Balitang Maharlika, Local at International

Kadiwa store pinabubuhay ni Sen. Imee Marcos

Kadiwa, ipapakalat sa mga komunidad

0 28

Get real time updates directly on you device, subscribe now.

MANILA –  Nananawagan si Senador Imee Marcos kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na muling buhayin ang Kadiwa store sa Kamaynilaan para matugunan nito ang problema sa mataas na presyo ng mga bilihin na kinakaharap ng mga maliliit na mamimili at mabawasan ang antas ng mahihirap.

Ayon sa Senadora, “Kahit mura ang bigas at sinasabing mababa ang inflation, mahal pa rin ang ibang bilihin lalo na ang asukal, karne at iba pa. Malaking dagok ito sa mahihirap dahil halos 60% ng gastos nila ay napupunta sa pagkain.”

Dating Ilocos Norte Governor na ngayon ay Senador Imee Marcos sa Pagudpud Capitol Express noong December 9, 2014. (Provincial Government of Ilocos Norte Facebook Page)

Dahil isa ang presyo ng mga bilihin sa pangunahing concern ng mamamayan, naniniwala si Imee na bibigyang diin ng Pangulo ang pagresolba sa isyung ito sa kanyang State of the Nation Address.

“Isa ang Kadiwa sa nakikita nating solusyon para matulungan ang maliliit nating mga kababayan. Sobrang mahal ng mga bilihin at malaking tulong kung bubuhayin muli ng Pangulo ang Kadiwa at ipakalat ito sa mga komunidad, partikular na sa mga depressed areas,” sabi ni Imee.

Binigyang diin ni Imee ang pag-angkat ng pamahalaan nang direkta sa mga pabrika o manufacturer pati na ang pagbili ng gulay sa mga magsasaka, isda sa mga mangingisda, at maging sa mga hog at poultry raiser.

Ayon sa senador, kailangang gawin ito sa sandaling tuluyang maging operational ang pagpapakalat ng Kadiwa store para hindi maabuso ng mga tiwaling traders o middleman ang mga pangunahing bilihin na ititinda sa Kadiwa.

“Kailangang umpisahan na kaagad ang Kadiwa store sa Metro Manila at sa mga susunod na araw ay sa buong Pilipinas na ito gawin. Siguruhin din na merong mabibiling NFA rice ang ating mga kababayan sa ipakakalat na Kadiwa,” pahayag pa ni Imee.

Idinagdag pa ni Imee na hindi lamang murang manok, isda, baboy, gulay at bigas ang dapat na mabibili sa Kadiwa kundi pati ang noodles na kalimitan ay pagkain sa hapag-kainan ng mga mahihirap na Pilipino.

Nakatakdang maghain ng resolusyon si Imee sa susunod na araw na nagrerekomenda sa Pangulo na muling pagpapakalat ng Kadiwa store.

Ang konsepto ng Kadiwa ay unang ginamit sa panahon ng administrasyong Marcos, isang paraan para matugunan ang problema sa mataas na presyo ng pangunahing bilihin.

Get real time updates directly on you device, subscribe now.

Comments
Loading...

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More